Maraming Pilipino ang nakatatanggap ng mensahe o text message sa hindi kilalang numero araw-araw. Karaniwang nagyayaya ang nagte-text na sumali sa sugal na online o mag-click ng link. Sa mga maiingat na hindi rumeresponde sa mga text, bagaman makakaiwas sila na malinlang o ma-scam, hindi sila makakaiwas sa maya’t mayang mensahe na papasok sa kanilang cellphone.
Matinding abala ang mga ganitong text message dahil kailangan itong burahin. Kung hindi ay mapupuno ang message inbox ng di-kailangang mensahe dahil sa dami ng nagte-text ng ganitong mensahe.
Dati nang nagpapaalala ang National Telecommunications Commission na umiwas sa text scam sa pamamagitan ng hindi pag-click ng mga link na nasa mga text message mula sa hindi kilalang sender. Ngunit kasabay nito ay ang abala dulot ng sandamakmak na mensaheng hindi kailangan dahil araw-araw itong dapat burahin.
Sa isang araw ay maaaring tumanggap ang isang cellphone user ng sampung text message sa hindi kilalang sender. Kahit hindi ito pansinin ng nakatanggap, abala pa rin ito dahil kailangang burahin.
Sa isang balita tungkol sa ni-raid na opisina sa Binondo, Maynila dahil ito’y pinaghihinalaang sangkot sa text scam, tumambad sa mga pulis ang maraming text blast machine kung saan may libu-libong nakasuksok na sim card. Nagpapadala ang makina o computer ng text message gamit ang numero ng mga sim card.
Nasamsam sa nasabing opisina ang 800,000 sim cards na may nakarehistrong e-wallet. Inaresto ang mga taong nagpapatakbo ng mga makina, kabilang ang isang Malaysian, dahil labag sa batas ang kanilang ginagawa.
Kung 800,000 sim card ang magpapadala sa isang tao ng mensaheng nag-aalok na maglaro ng online gambling o game, hindi na siya matatapos sa katatanggap ng text dahil sa dami ng sim card. Ito dapat ang pagtuunan ng pansin ng mga kinauukulan, ang protektahan ang mga mamamayan laban sa mga nagte-text blast.
Kailangan din nilang imbestigahan ang mga nagbebenta ng sim card na ginagamit sa pagte-text blast upang mapanagot ang mga ito sa perwisyong dinudulot ng ganitong operasyon.
Hindi lamang isang grupo ng tao ang nasa likod ng ganitong modus. Marami na ang nahuli sa mga nilusob na opisinang katulad ng nasa Binondo.
Hanggang patuloy na makatatanggap tayo ng mga text message na nag-aalok ng sugal o paglalaro ng online games oras-oras at araw-araw, tiyak na may sindikatong nagte-text blast o nagte-text scam at kailangang matunton ang mga ito at mapatigil sa kanilang gawain.
Samantala, hanggang inutil ang mga kinauukulan na matigil ang mga ito, magtyatyaga tayong magbura nang magbura ng mga di kailangang text message. Mahaba-haba ang pagbubura ng forever text.