Isinailalim sa preventive suspension si Metropolitan Manila Development Authority Task Force Special Operations head Bong Nebrija matapos umano nitong magbigay ng maling impormasyon sa paggamit umano ni Senador Bong Revilla Jr. ng EDSA Bus Lane nitong Miyerkules.
Bagama’t nagkaharap na at nagkapatawaran ang dalawa, epektibo pa rin ang suspensyon ni Nebrija simula ngayong araw habang iniimbestigahan ang nangyari nitong Miyerkules kung saan may convoy umano na dumaan sa bus lane na nagpakilalang sakay si Revilla.
Ayon kay MMDA chairperson Romando Artes, magkasama silang humarap ni Nebrija kay Revilla para ipaliwanag ang nangyari makaraang itanggi ng senador na dumaan siya sa EDSA bus lane.
“Ang decision and we discussed it kanina, we will suspend Col. Nebrija pending the investigation sa nangyari,” sabi ni Artes sa press conference sa Senado.
Nitong nakaraan, iniulat ni Nebrija na sinita ang sasakyan na umano’y lulan si Revilla dahil dumaan sa EDSA bus lane pero hinayaan ding dumaan. Gayunman, napag-alaman na itinawag lang kay Nebrija sa radyo ng tauhan ng MMDA ang sinasabing sinitang sasakyan na nagsabing sakay ang senador.
Pero paliwanag ni Revilla, “My daily commute is from the south to the Senate and there is no possibility I will be on EDSA in Mandaluyong. When attending to official functions in the north, I take the Skyway from and back to the south.”
Sinabi ng senador na dapat tinekitan siya kung talagang dumaan siya sa lugar na bawal para maging patas sa lahat.
Ayon kay Artes, ang pagsuspinde kay Nebrija ay para maging parehas ang gagawing imbestigasyon.
Sa kabila ng nangyari, tinanggap ni Revilla ang paumanhin ng MMDA at nakipagkamay kina Artes at Nebrija.
Sinabi rin ng senador na hindi na niya itutuloy ang nauna niyang banta na i-recall o bawiin ang budget ng MMDA sa 2024 na nauna nang inaprubahan ng Senado.
Nitong Miyerkules din, sinabi ni Revilla na mali ang paratang sa kanya ng MMDA official.
“Nagdusa ako apat na taon, anim na buwan sa kulungan pero pinatawad ko na ‘yung mga taong nagkasala sa akin e. ‘Yan pa kaya [na] napakasimple? Pero dapat magpaliwanag siya dahil ayaw ko na ‘yung mga maliliit na tao ay ma-perhuwisyo din ng mga maling paratang,” sabi ni Revilla.