Nadagdagan ang mga nasasakupan ng mga rebelde sa hilagang Myanmar matapos makuha sa militar ang dalawang kampo nito sa border ng India.
Nilusob ng 80 rebelde ang mga kampo ng Rihkhawdar at Khawmawi sa estado ng China Lunes ng madaling araw hanggang sa makuha ito sa mga sundalo, ayon kay Sui Khar, vice chairman ng Chin National Front, isa sa mga grupong rebelde ng lumalaban upang mapatalsik ang namumunong junta.
Susunod na target ng CNF ang dalawa pang natitirang kampo ng militar na nasa hangganan ng India, ayon sa ulat.
Ang labanan ng CNF at militar ay nagpalikas ng may 2,000 taga-Myanmar sa Mizoram sa hilagang-silangang India. Ilan sa mga lumikas ay nasugatan at dinala sa ospital roon.
Dahil sa bagong likas, umabot na sa 30,000 taga-Myanmar ang naninirahan sa Mizoram.
Sa estado naman ng Rakhine, nakikipagbanatan ang mga tropa ng junta at mga rebelde ng Arakan Army sa bayan ng Rathedaung, ayon sa ulat ng Reuters.
Nitong nakaraang linggo, nagsanib pwersa ang tatlong grupong rebel sa hilagang Myanmar upang makuha ang kontrol sa dalawang bayan sa may border ng Tsina.
Kasama sa layunin ng kanilang opensiba ang maibalik ang sibilyang pamahalaan na binuwag ng kudeta ng junta noong 2021.