Nagwakas ang karera sa Rookie of the Year award ng University of the East player na si Precious Momowei dahil sa pagkaka-ban niya sa ikalawang pagkakataon sa University Athletic Association of the Philippines Season 86 men’s basketball tournament.
Nasuspindi ng isang game si Momowei dahil sa unsportsmanlike foul laban kay Kevin Quiambao ng De La Salle University sa laban nila nitong Linggo sa Smart Araneta Coliseum.
Inanunsiyo ng liga ang ban sa basketbolistang taga-Senegal kahapon, isang araw matapos na talunin ng Green Archers ang Red Warriors, 86-76, na nagtulak sa eliminasyon ng UE sa karera sa Final Four.
Ang malakas na foul ni Momowei ay tumama sa mukha ni Quiambao habang nag-aagawan sila sa bola sa natitirang 6:43 ng second quarter ng kanilang laban, kung saan lamang ang Red Warriors, 25-21.
Dahil sa suspensyon, hindi makalalaro si Momowei sa laban ng UE sa Ateneo de Manila University sa Nobyembre 15, na bibigo sa pagkakataon nilang tumagal sa torneo.
Ang unsportsmanlike foul ay ikalawa na para kay Momowei. Ang una ang noong Oktubre 15 sa laban ng UE sa Adamson University, sa ika-7:38 minuto ng huling quarter.
Nangunguna si Momowei sa mga baguhan o freshmen sa karera para sa ROY award. Subalit hindi na rin siya kwalipikado na tumanggap ng individual award dahil sa suspensyon, alinsunod sa patakaran ng torneo.
May 4-8 panalo-talo na kartada ang Red Warriors at kailangang maipanalo nila ang natitirang dalawang game ng elimination round at hindi maka pitong panalo ang Ateneo at Adamsaon upang magkaroon ng playoff para sa huling pwesto sa Final Four.