Inihayag ni Senador Robin Padilla na tutulong umano siya sa pagdepensa sa 2024 budget ng Department of Agriculture at ayon sa senador, kailangang tulungan ng taga-DA ang bagong kalihim na si Francisco Laurel Jr. sa kanyang pagsisikap na bigyan ang Pilipino ng food security.
Sinabi ni Padilla na nalulungkot siya na bagama’t isang agricultural country ang Pilipinas, hindi niya maintindihan kung bakit hindi umuunlad ang sektor ng agrikultura kaya dapat umanong ginagawang prayoridad ng pamahalaan ang food security.
Samantala, hinimok naman ni Senador Sherwin Gatchalian ang Bureau of Internal Revenue na maging mas mahigpit sa pag-iisyu ng tax identification number IDs kasunod ng pagkakatuklas ng mga naturang ID sa opisina mismo ng isang Philippine Offshore Gaming Operators na sangkot sa iba’t ibang kriminal na aktibidad, upang gawing lehitimo ang katayuan sa trabaho ng kanilang mga empleyado.
Ayon kay Gatchalian, ang mga iniisyu na TIN ID ng BIR, ay walang mga larawan na nagpapahintulot sa mga naturang ID na magbigay nang maayos na pagkakakilanlan sa mga indibidwal na sangkot sa mga krimen.
Kasunod ng pagkakatuklas na ito aniya binibigyang-diin ang kritikal na pangangailangan para sa BIR na muling bisitahin ang mga proseso ng pagbibigay ng ID nito, kasama ang mga updated na security measures at komprehensibong identification features.
Bukod sa mga TIN ID, narekober din ng mga awtoridad ang mga Philhealth ID, Certificates of Alien Registration, Alien Employment Permits, at police clearances sa Smart Web Tech na may provisional license na galing sa Philippine Amusement and Gaming Corporation.