Inihayag ng Overseas Workers Welfare Administration nitong Lunes na pinamamadali na umano ng pamahalaan ang pagpapauwi sa mga Pilipinong naapektuhan sa pambobombang ginawa ng Russia sa civillian cargo vessel na papasok sa pwerto ng Odesa sa Black Sea noong Miyerkules.
Ayon kay OWWA administrator Arnell Ignacio, labis na napinsala ang barkong tinamaan ng missile, at hindi na nito kaya pang maglayag dahil sa nangyaring pagsabog at dagdag niya, kailangan nang mapauwi ang mga biktima dahil tiyak na nakakaranas ang mga ito ng trauma.
Kasalukuyan na rin ang kanilang ginagawang pakikipag-ugnayan sa manpower agency upang mapadali ang pag-uwi sa mga marinong Pinoy.
Ayon kay Ignacio, plano nilang bago sumapit ang Pasko ay makasama na ng mga marinong Pinoy ang kani-kanilang mga pamilya.
Samantala, dumating sa bansa ang panibagong batch ng mga overseas Filipino worker na mula sa Israel nitong Lunes ng hapon.
Lumapag sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 ang sinasakyan ng mga ito na commercial plane at ayon sa Department of Migrant Workers, nasa kabuuang 37 OFWs ang sakay ng naturnag eroplano na pawang ninais nang makabalik sa bansa, matapos ang naging epekto ng labanan sa pagitan ng Israel at ng Hamas.
Ito na ang ika-anim na batch ng mga OFWs na napauwi sa Pilipinas, mula nang mag-umpisa ang sigalot sa naturang bansa.
Tiniyak naman ng DMW na patuloy pa rin nitong aalalayan ang mga Pinoy workers na nais nang bumalik sa Pilipinas, lalo na at mistulang magtatagal pa ang kaguluhan sa Israel.