Iginiit ng Philippine Coast Guard na hindi nito intensyon na i-provoke ang China sa pamamagitan ng pagpapadala ng resupply boats sa BRP Sierra Madre sa pinagtatalunang teritoryo sa West Philippine Sea.
Ayon kay PCG spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela, pinapatunayan lamang ng pamahalaan na sumusunod ito sa pamantayang hindi pagmimilitarize sa kasalukuyang dispute sa WPS.
Dagdag pa niya, paraan umano ito upang ipakita na walang nilalabag na anumang probisyon ang Pilipinas pagdating sa resupply mission sa Ayungin shoal dahilan kung bakit hindi ito gumagamit ng Navy vessels sa tuwing nagsasagawa rotation and resupply mission sa nasabing lugar.
Kasabay nito, tiniyak din ni Tarriela na nananatiling ligtas ang kanilang isinasagawang operasyon para sa BRP Sierra Madre at tanging ang pagiging agresibo lamang aniya ng mga barko ng China ang problemang isinasaalang-alang nila.
Kung matatandaan, una rito ay iniulat din ng PCG na matagumpay na nakapasok ang tropa ng Pilipinas sa Ayungin shoal sa kabila ng bantang dulot ng China Coast guard at Chinese maritime militia vessels.
Samantala, mabilis na nirespondehan ng PCG ang isang matandang pasahero na nakaranas ng kritikal na health emergency habang sakay ng barko sa Calapan Port, Oriental Mindoro.
Sa panahon ng loading operations, isa sa mga tripulante ng barko ang nag-alerto sa PCG at Philippine Ports Authority na isang 72-anyos na pasahero ang nakaranas ng biglaang pagkahilo, na humantong sa pagkawala ng malay at kawalan ng tugon sa ibinigay na first aid.
Natukoy na residente ito ng Bongabong, Oriental Mindoro at hinihinalang may dati nang karamdaman.
Kasama ang Provincial Disaster Risk Reduction Management Office-Oriental Mindoro, mabilis na inihatid ng PCG at PPA ang pasyente sa pinakamalapit na ospital para sa kinakailangang medical intervention.