Nasakote ng mga tauhan ng Bureau of Customs ang nasa P27.6 milyong halaga ng mga sigarilyong ipinuslit sa Davao City nitong nakaraan.
Ayon sa BOC, naharang nila ang barkong nagdadala ng mga kontrabando sa karagatan ng Davao Gulf, na humantong sa pagkakakumpiska ng 717 master cases, o 85,850 reams ng iba’t ibang brand ng sigarilyo.
Isang master case na may lamang 50 cartons ng sigarilyo, at isang karton na may 10 packs ng 20 sigarilyo bawat isa. Ang mga sigarilyo ay madalas na ipinuslit sa maritime boundary ng Malaysia na siyang tinatawag na southern back door ng Pilipinas.
Noong Nobyembre 6, ang BOC-Davao at Naval Forces Eastern Mindanao ay nagsagawa ng inspeksyon sa isang motorbanca kung saan natagpuan nila ang mga smuggled na sigarilyo. Binigyang-diin anila na ang naturang iligal na gawain ay nagrerepresenta ng “grave violation of customs regulations” at ang tinatawag na “evasion of substantial taxes.”
Ang BOC-Davao ay nag isyu na ng warrant of seizure and detention sa mga nakumpiskang sigarilyo na nakapaloob ngayon sa isang warehouse. Samantalang ang motorbanca naman ay nasa kamay na ng Enforcement and Security Service ng Davao.