Nahuli ng mga otoridad ang isang lalaki na sangkot umano sa pagnanakaw ng kable ng telepono sa Don Pepe St. panulukan ng Maria Clara St. sa Barangay Sto. Domingo, Quezon City.
Ayon kay Police Capt. Joefrey Divina, duty officer ng La Loma Police Station, nakuha nila ang impormasyon mula sa isang concerned citizen na may nagnanakaw ng kable bandang 5:45 ng hapon.
“Agad pong nirespondehan ng ating mga patrollers,” saad ni Divina.
Pagdating ng mga patroller, nakita nila ang dalawang lalaki na pinuputol ang cable wire, kaya agad na inaresto ang isa habang ang kasamahan niya ay nakatakas.
Narekober ang nasa P10,000 halaga ng kable na gawa sa copper, isang lagare at tricycle.
“Ginagawa po nila is sinusunog po yung cable wire then binebenta po sa kalapit na junk shop po,” sabi ni Divina.
Aminado ang suspek na sa kanya ang tricycle pero mariin niyang tinanggi ang krimen.
“Sa akin yung tricycle. Hindi ko alam na sasakay niya yung ano roon eh. Pamangkin ko yun. Hindi ko naman alam na nagnanakaw yun eh. Pumunta lang sa akin yun eh. Nadamay lang ako dito hindi ko alam na nagnanakaw na pala siya roon,” saad ng suspek.
Sinampahan na ng kasong theft in relation to Anti-Cable Television and Cable Internet Tapping Act ang nahuling suspek habang patuloy na tinutugis ng mga pulis ang nakatakas nitong kasamahan.