Nanawagan ang pamilya ng dalawang babaeng estudyante na natagpuang patay sa kanilang paaralan sa Taguig sa mga kaklase, kaibigan at guro ng biktima na lumantad at sabihin kung ano talaga ang nangyari sa kanila.
Ang panawagan ay naka-post sa Facebook ni Rhea Manalo, pinsan ni Irish Sheen Manalo, ang isa sa dalawang babae na natagpuang walang buhay sa loob ng opisina ng Signal Village National High School nitong Biyernes.
Sa kanyang post, sinabi ni Rhea na natagpuan ng guwardiya ng iskwelahan na nakabigti sina Irish Sheen Manalo at Mary, at inilabas nila ang bangkay nang walang SOCO o scene of the crime operatives.
Batay sa ulat ng Southern Police District, natagpuang patay ang dalawang babae ng alas 11 ng gabi, Nobyembre 10, sa loob ng girls scout office sa ikatlong palapag ng Magsaysay Building ng SVNHS.
Si Mary ay 10 taong gulang, Grade 10 at taga-South Signal, Taguig City habang si Irish at 13 taong gulang, Grade 8 at taga-Zone 5, Central Signal, Taguig City.
Huling nakitang buhay ang dalawa, alas 7:45 ng gabi, ayon sa saksing nagngangalang Danielle, 16 taong gulang.
Sinabi ng mga biktima kay Danielle na umuwi na sila, ngunit nalaman niya sa Messenger group account nila na hindi sila umuwi.
Doon na hinanap ni Danielle ang dalawa hanggang sa makita silang nakabigti sa steel grill ng opisina.
Tinawag niya ang guwardiya na tinawagan naman ang pulis.