Isang magsasaka na natutulog lamang sa sakahan ang nasawi matapos umano itong mabagsakan ng isang malaking tipak ng bato sa Zamboanga City nitong nakaraan.
Sinabing tulong-tulong ang mga residente para kunin ang bangkay ng biktima sa isang sunflower farm sa Barangay Pamucutan.
Nagtamo ng mga sugat sa katawan at ulo ang 51-anyos na lalaking hindi pinangalanan, ayon sa pulisya.
“Nahulugan ng bato ‘yung tao, naipit ‘yung sa may bandang ulohan… Nasa 20 persons ang nagtulong-tulong para matanggal ‘yung bato,” sabi ni Police Major Wilfredo Palamos, Station Commander ng Police Station Ayala.
Kuwento naman ng pamilya ng biktima, sumunod ang kanilang padre de pamilya sa dalawa niyang anak na pumunta sa sakahan para maghanda sa gagawing uling ngunit hindi na umano nakauwi ang mag-aama nang umulan, at nagpasiyang matutulog sila sa sakahan.
Nagising ang dalawang anak dahil sa ingay ng mga gumulong na bato sa kanilang direksiyon.
Isang tipak ang tumama sa kanilang ama.
Sinabi ng CDRRMO magsasagawa sila ng reassessment sa lugar na itinuturing landslide-prone area.