Walong tao ang namatay sa banggaan ng dalawang kotse sa Texas, Estados Unidos nitong Miyerkules.
Karamihan sa mga biktima ay taga-Honduras na pinupuslit ng mga human trafficker sa bansa.
Ayon sa pulis, isang white Honda na may lulang limang tao na walang dokumento ang hinabol nila mga 100 kilometro ang layo sa border ng Mexico.
Nilampasan ng Honda ang isang truck at sumalpok sa isang kotse na ikinamatay ng dalawang sakay nito.
Pito ang agad na binawian ng buhay at ang isa ay namatay sa ospital dahil sa tinamong pinsala, pahayag ng tagapagsalita ng Texas Department of Public Safety sa Agence France-Presse.
Maraming migrante mula sa gitna at timog Amerika ang nagtatangkang makapasok sa Estados Unidos.
Mula Mayo, umabot na sa 350,000 na ilegal na migrante ang nahuli ng mga pulis sa Estados Unidos at pinabalik sa pinanggalingan nila, ayon kay United States Homeland Security Secretary Alejandro Mayorkas.