Walang halong pagtataka at mas lalong hindi nahibang ang inyong lingkod sa pagiging film in competition ng “Broken Hearts Trip,” na idinirehe ni Lemuel Lorca, panulat ni Archie del Mundo, kwento ni Lex Bonife na mula sa BMC Films na katuwang ang SMART Films.
Panalong totoo ang comedy-dahil sa unang panood at tingin sa patikim nitong namamayagpag, para siyang may elementong Amazing Race kung saan ang mga bida rito ay kung saan-saang magagandang lugar at tanawin para magliwaliw at ipagpag ang kanilang mga pighati at nagmamarkulyong damdamin.
Para rin itong “To Wong Foo, Thanks for Everything Julie Newmar,” kung saan ang mga bakla sa pelikula ay may road trip at sa paglalakbay na ito, mas makikilala nila ang kanilang mga sarili, pagkatao, kahinaan, kalakasan at ipagbubunyi at ipagdiriwang ang pagiging mga maricon sa makabagong panahon.
Alas rin sa pelikulang ito ang presensya at partisipasyon ng isa pang pambansang kayamanan, si Jaclyn Jose, na isa sa mga huradong mamimili kung sino sa mga baklang inaglahi at luhaan ang mabibigyan ng pagkaktaong umariba at rumampa sa patimpalak.
Ang mga pangunahing istariray sa maharot at mapanakit na MMFF movie ay sina Andoy Ranay, Teejay Marquez, Marvin Yap, Petite, Iyah Minah at Christian Bables.
At siyempre para mapupula ang hasang ng sangkabekihan, ang mga hombrelicious na magpapatibok sa mga puso, magpapabasa sa mga imaginary pagkababae ng mga bida-bidang beki ay sina Jay Gonzaga, Argel Saycon, at Ron Angeles.
Hello, Gonzaga, Saycon at Angeles lang naman! Alin-alin ang naiba! K Kanino ang boto niyo na tunay na tigasin? Kanino ang may sukat na isa, dalawa may sasampalin ka pa at tiyak mamumuwalan? At kanino ang may drama ang bekibel na kuya, huwag po, huwag po, hindi ko kaya iyan?
Para kay Christian Bables, na alam na alam na masarap at masakit at magmahal: “Maganda itong pelikula kasi hindi lang ito pulos patawa at kabaklaan, may puso ito. Tungkol ito sa journey, individual journey ng mga character para sa kanilang pagpapagaling sa kanilang mga sarili, sa mga pusong sugatan, pagtanggap, pagpapatawad at pagbitaw sa mga dapat na talagang bitawan.”
Aniya pa: “Lahat naman ng relasyon, may kaakibat na sakit. Hindi lang sa romantic love, hindi lang sa babae at lalaki, lahat! Romantic man yan, platonic, basta relasyon, may maidudulot na sakit. At yung sakit na yun ang susubok sa pagkatao mo, values mo at kung ano talaga ang mahalaga sa iyo.”
Tinaggap ni Bables na muling maging bakla sa pelikula dahil sa kanyang binasang script, panalo ang potensiyal at pangako nito, at gusto niya muling makatrabaho ang kaibigang direktor, si Lem Lorca.
Pahayag ni direk Lem tungkol sa pelikula: “Tungkol talaga ito sa pagmamahal. Lahat tayo ay nagmamahal at nasasaktan. Sigurado ako na lahat ay makaka-relate kasi lahat tayo may kaniya-kaniyang experiences na pagdating sa romansa, pagmamahal, pagkabigo. Sa tingin ko, the message of love alone is already universal.”
Dahil nga mga sensitibo, magigiliw at matatalinong artista ang mga kasama sa “Broken Hearts Trip”, sa tanong na saan nga ba pumupunta ang mga pusong lugami at wasak, ang sagot ni Andoy Ranay: “Pag heart broken ako, sa ibang bansa ako nagliliwaliw. Mas maraminfg unfamiliar territory sa ibang bansa so walang masyadong memory triggers. Saka dapat busy ka, para walang dahilan para maalala mo ang mga hindi mo na dapat maalala.”
“Ako naman, based sa experience ko, binabalikan ko yung mga pinuntahan namin,”pahayag ng transwoman best actress winner Iyah Minah. “Punta ako mag-isa, mag-reminisce, ngalngal. Pagkatapos nun, okay na ako. Yun ang way para matanggap ko ang pinagdaraanan ko.”
At para kay Christian: “Ako sa bahay, sa pamilya. Doon ako sa lugar kung saan nandoon ang mga totoong nagmamahal sa iyo, sa akin. Para maipapa-alala sa iyo, maiparamdam at maramdaman mo, kung ano ang pagmamahal na karapat-dapat sa iyo.”
Ipapalabas sa mga sinehan ngayong Kapaskuhan, bilang kalahok sa MMFF 2023 ang “Broken Hearts Trip”.