Ipinahayag kahapon ng bilyonaryong Hapones na si Yusaku Maezawa na ang paglalakbay niya sa paligid ng buwan sakay ang rocket ng SpaceX ay hindi matutuloy ngayong taon.
Hindi rin masabi ni Maezawa kung kailan matutuloy ang biyaheng tinaguriang “deadMoon” kung saan kasama niya ang mga artista, ayon sa post ng negosyante sa X.
Taong 2018 pa nang ianunsyo ng crew ni Maezawa na sasakay sa Starship rocket, na kasalukuyan pa ring ginagawa.
Nag-test flight na ang Starship nitong Abril ngunit marami pa umanong upgrade ang dapat gawin rito upang maging ligtas at matagumpay ang paglalayag nito, sabi ng bilyonaryo sa kanyang post.
Binili ni Maezawa ang lahat ng upuan sa rocket at noong 2021 ay naglunsad siya ng patimpalak sa pagpili ng mga makakasama niya sa biyahe sa buwan.
Mahigit isang milyon rin ang mga aplikante at pinili ni Maezawa na makasama ang DJ na si Steve Aoki, YouTuber na si Tim Dodd, artistang Yemi AD, photographer na sina Rhiannon Adam at Karim Iliya, tagagawa ng pelikula na si Brendan Hall, aktor na si Dev Joshi at ang K-pop musician na si TOP.
May dalawa ring backup crew na kasama, sina Kaitlyn Farrington, isang skateboarder, at ang mananayaw na si Miyu.
Sa dearMoon website, sinabing anim na araw ang itatagal ng biyahe papaikot ng buwan. Hindi bababa sa buwan ang rocket.
Samantala, may pangalawang test flight ang Starship sa kalagitnaan ng Nobyembre, ayon sa website ng SpaceX.
Si Maezawa ang nagtatag ng pinakamalaking online fashion mall sa Japan. Nakapunta na siya sa International Space Station sakay ang Soyuz rocket ng Tsina noong 2021.