Nangako si Arwind Santos na pangungunahan niya ang koponang Pampanga para masungkit ang titulo sa Maharlika Pilipinas Basketball League Fifth Season.
Sinabi ng 42-anyos na basketbolista ang pangako sa pinakahuling episode ng Down To The Wire podcast nitong Martes.
Ang pride ng bayan ng Lubao ang bumabandera sa Giant Lanterns at sa tulong nila Justin Baltazar at Encho Serrano ay naipasok nila sa best-of-three North Division finals ang Pampanga kalaban ang San Juan.
Sakaling manalo sila sa North Division finals, tutuloy sila sa national finals kalaban ang mananalo naman sa South Division championship ng Batangas at General Santos City.
Sinabi rin ni Santos sa weekly sports podcast of DAILY TRIBUNE na kaya siya lumpiat sa MPBL mula sa Philippine Basketball Association ay para tulungan ang kanyang father figure na si Gobernador Delta (Pineda).
“Ngayong may pagkakataon na tulungan ko ang team, nais kong manalo kami sa championship,” ayon sa dating star ng San Miguel Beer sa PBA.
Llamado man ang Pampanga laban sa San Juan, ayaw pakampante ni Santos dahil minsan nang naging kampeon ang kalaban.
Ang kailangan nila ay hindi maging overconfident at magtrabaho ng husto para manalo.
Taglay niya ang motibasyon para manalo dahil may karanasan na siya sa PBA na maging kampeon, pati na sa Philippine Basketball League at University Athletic Association. Ang titulo na lang sa MPBL ang kulang upang magkaroon siya ng kampeonato sa lahat ng liga sa bansa.
Nagpahiwatig rin si Santos na babalik sa PBA pagkatapos niyang tuparin ang kanyang misyon sa MPBL.
“Nais kong magretiro na suot ang jersey ng San Miguel Beer at nais ko ring matulungan muli ang koponan na manalo ng isa pang titulo,” aniya. (Hango sa ulat ni Rey Joble ng Daily Tribune)