Kinumpirma kahapon ng pamahalaang Instik na may nadamay na mamamayan nila dahil sa upakan ng mga sundalo at rebelde ng Myanmar malapit sa border ng China.
Hindi sinabi ni Wang Wenbin, ang tagapagsalita ng foreign ministry ng China, kung namatay o nasugatan ang kababayan nila, at kung saan sila nabanatan.
Subalit may ulat ang mga media sa Myanmar nitong Sabado na isang Intsik ang napatay at dalawa ang nasugatan nang bombahin ng militar ng Myanmar ang mga rebeldeng Kachin sa bayan ng Laiza. Isang shell ang lumagpas sa border at tumama sa loob ng China.
Nagprotesta ang Beijing sa nangyari at hiniling ang nagdidigmaang panig sa hilagang Myanmar na mag-tigil putukan, ayon kay Wang.
Nagbabala siya na kikilos ang China upang mapangalagaan ang buhay at ari-arian ng mga Intsik.
Ang labanan sa pagitan ng Kachin Independence Army at militar ng Myanmar ay bunsod ng pag-atake ng mga rebelde sa mga outpost ng militar sa hilagang Myanmar malapit sa border ng Tsina.
Kinausap rin ng pinaka-senior na Chinese diplomat sa Myanmar, si Nong Rong, ang junta upang masiguro ang kaligtasan ng mga buhay at ari-arian ng mga Intsik sa may border ng dalawang bansa.
Hinikayat ng Beijing na palakasin ng Myanmar ang seguridad ng mga mamamayang Intsik.