Isang bagong halal na kagawad sa Barangay 37 sa Pasay City ang nasawi matapos itong malapitang barilin ng mga hindi pa nakikilalang suspek.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Lina Camacho na 13 taong nagtrabaho bilang barangay treasurer bago kumandidato nito lamang nakaraang halalan.
Base sa ulat ng Pasay City Police Station, nakaupo sa loob ng barangay hall ang biktima nang dumating ang riding-in-tandem.
“Dalawa silang suspek sakay ng motorsiklo. Kalmadong tumingin sa labas ng barangay at binaril. Tagos dun sa glass door, hindi na sila pumasok. Pinaputukan siya ng dalawang beses,” ayon kay PMaj. Christel Carlo Villanueva, commander ng Substation 1 ng Pasay CPS.
“According sa ating SOCO, isa lang ‘yung tama. Sa likod, tumagos sa leeg. ‘Yung pangalawang bala na ipinutok ay tumama sa railings ng glass door,” dagdag niya.
Naisugod pa sa ospital ang biktima pero idineklarang patay pasado alas-8 ng gabi.
Sa imbestigasyon ng pulisya, isa ang pulitika sa tinitingnang motibo ng krimen.
“Isa sa mga anggulong tinitingnan is ‘yung sa pulitika dahil bago siyang elected na barangay kagawad ng Barangay 37. Posibleng anggulo din is ‘yung sa mga pautang o sa negosyo,” saad ni Villanueva.
Agad namang naaresto ang isa sa mga suspek matapos mahabol ng mga pulis. Hindi nito inamin ang pagkakasangkot sa krimen pero humingi siya ng pasensya sa pamilya ng biktima.
Patuloy ang pagtugis sa gunman pero tukoy na ng pulisya ang pagkakakilanlan nito.
Mahaharap ang mga suspek sa reklamong murder.