Isang babae ang namatay matapos masagasaan at makaladkad pa ng isang “kulung-kulung” o motorsiklo na nilagyan ng sidecar sa Navotas noong Lunes ng madaling araw.
Ayon sa hepe ng Navotas Police na si Police Col. Mario Cortes, nakatulog ang driver kaya nawalan ng kontrol at nasagasaan ang biktima.
“Nasa gilid lang yung ating victim nung nasagasaan ng ating suspect. Lumalabas nakaidlip itong driver. Based sa medical records nitong ating suspek ay hindi rin siya nakainom,” saad ni Cortes.
Sa kuha ng CCTV, makikitang naglalakad sa gilid ng kalsada ang biktima hanggang sa sumulpot ang kulung-kulung na mabilis ang andar at sinalpok at kinaladkad pa ang biktima.
Aminado ang driver na nakatulog siya habang nagmamaneho dahil sa pagod.
“Nakatulog ako sir, madaling araw kasi gising na kami, nakatulog kami alas-10. Nakatulog ako habang nag-drive. Hindi ko napanansin yung babae sa gilid, nasagi ko po,” sabi ng driver.
Galing Blumentritt ang suspek at umangkat ng manok na ititinda sana sa Agora Market.
Kuwento naman ng anak ng biktima, papasok sa trabaho ang kanyang nanay nang mangyari ang aksidente.