Isang lalaki ang namatay matapos umano itong barilin ng isang hindi pa nakikilalang suspek sa Cebu City kung saan siniguro pa umano ng suspek na patay na ang biktima matapos itong balikan at bariling muli.
Sa kuha ng CCTV sa labas ng isang tindahan sa Barangay Calunasan, nakita ang biktimang kinilalang si Paul Jacon Ebrada at ilang saglit lang, dumating ang suspek na may dalang baril na inihampas niya sa biktima. Kasunod nito, binaril na niya si Ebrada.
Nang bumagsak na biktima, naglakad na palayo ang salarin pero binalikan niya muli si Ebrada at binaril muli.
Muling umalis ang suspek pero bumalik na naman at pinaputukan pang muli ang biktima.
Ayon sa mga otoridad, sangkot umano sa ilegal na droga ang biktima at inaalam sa imbestigasyon kung may kaugnayan ito sa nangyaring krimen.
Patuloy naman hinahanap ang suspek na nasangkot din umano sa insidente ng pamamaril sa ibang lugar.