Inihayag ni Overseas Workers Welfare Administration administrator Arnaldo “Arnell” Ignacio na hindi lahat ng mga overseas Filipino workers na namamalagi sa bansang Israel ay gustong umuwi dito sa Pilipinas.
Ayon kay Ignacio, papalo sa mahigit 30,000 na mga Pilipino ang nasa Israel sa kasalukuyan at sa tingin nito ay hindi nais ng lahat ng mga ito na bumalik sa Pilipinas ngayon.
Dagdag niya, ang giyera sa pagitan ng Israel at Hamas ay nakatuon lamang sa timog na bahagi ng bansa.
Ito ay maihahalintulad rin aniya sa kaguluhan sa Marawi City na kung saan sa isang partikular lamang na lugar nangyayari ang giyera.
Sa kabila nito ay tiniyak ng opisyal na nakatutok sila sa mga kaganapan sa bansa at nakahanda sila anumang oras sakaling may mga Pilipino ang mangailangan ng tulong.
Samantala, naantala ang paglabas ng halos 23 Pilipino at iba pang foreign nationals sa Gaza Strip matapos yanigin ng mga pagsabog ang mga lugar na malapit sa Rafah border crossing.