Inihayag ng Department of Foreign Affairs na nagbago umano ang isip ng ilang mga Pilipino na nasa Gaza sa gagawing pagtawid sa Egypt mula sa Rafah border matapos na malaman na hindi nila puwedeng isama ang kanilang mga asawa o kamag-anak na Palestino.
Sinabi ng DFA na 46 na Pilipino na lamang ang nagpahayag ng kagustuhan na makaalis ng Gaza, na lugar ngayon ng pag-atake ng Israel para tugisin ang teroristang grupong Hamas.
Sinabi ni DFA Undersecretary Eduardo de Vega na nasa 115 Pinoy ang unang nagpahayag ng kagustuhan na makaalis ng Gaza pero umatras umano ang ilan sa mga ito nang malaman nila na walang Palestino na papayagan na makatawid sa Egypt.
“So far, hindi pa marami ang gustong tumawid. Dati marami ngayon kaunti na lang, mga 46 lang ang gustong tumawid,” pahayag ng opisyal sa isang panayam.
Una rito, sinabi ng DFA na nakatanggap na ang Philippine government ng abiso mula sa kanilang Israeli counterpart na pinapayagan na ang 136 Pilipino na nasa Gaza na makatawid sa Egypt.
Dalawang doktor na Pinoy na ang naunang nakalabas ng Gaza.
Umaasa si De Vega na madadagdagan ang mga Pinoy na lalabas ng Gaza kapag natuloy nang makarating sa Egypt ang unang grupo na nakatakdang umalis noong Linggo.
“Dadami na ‘yan kapag nakalusot na ang unang groups — dalawang batch — ngayon 20, maaaring bukas 26. After that, merong madagdagan ‘yan kasi matatauhan [sila] dahil mahirap ang buhay sa Gaza, kulang pa ng food and water supply,” sabi ni De Vega.