Matapos ang 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections nitong Lunes, dumami ang mga naglabasang balita na nagkaroon umano ng talamak na vote-buying sa ilang mga lugar sa bansa.
Ang vote-buying – bukod pa sa flying voters – ang isa sa palagiang problema na lumulutang sa tuwing may eleksyon at dahil nga marami ang nangangailangan ng pera lalo ngayong mga panahon na ito, napipilitan na silang ibenta ang kanilang mga boto.
Kung iisipin ang solusyon, mukhang malayo pa ang ating tatahakin bago tuluyang masawata ang vote buying sa bansa.
Nitong nakaraang Lunes rin ay nanawagan si Pangulong Ferdinand Marcos na huwag magpadala sa vote-buying dahil itinatapon nila ang kanilang karapatan na pumili ng mga opisyal ng barangay.
Saad pa ng Pangulo, ipatutupad ng gobyerno ang lahat ng batas para mapigilan ang vote-buying.
“Ang payo ko lang sa ating mga kababayan, huwag niyong itatapon ang inyong karapatan na makapili ng inyong mga barangay official, dahil alam niyo naman na ang mga barangay official ang mga kaharap ninyo araw-araw. Ito ang mga tinatakbuhan ninyo para makatulong sa inyong problema,” sabi ni Marcos.
“Kaya’t kung idadaan lang sa bayaran ay mawawala ang boses ninyo at hindi ninyo maipili kung sino ba ang dapat ba talaga na mamuno sa inyong barangay, at sino ang makakatulong sa inyo na harapin ang mga problema na araw-araw na dinadala ninyo sa mga barangay official,” dagdag niya.
Bagama’t aminado ang Pangulo na mayroon pa ring nangyayaring vote-buying, iginiit nito na gumagawa nan ang hakbang ang pamahalaan upang matukoy ang mga involved sa vote-buying upang mapanagot ang mga ito sa batas.
“We will do our part as the government, we will do our part to continue to enforce all of the laws that do not allow the use of vote-buying as the part of the campaign,” sabi ni Marcos.
Sa ating mga kababayan, ilang taon na lamang ay boboto na naman tayo para sa mid-term elections, kaya sana ay maging matalino tayo at huwag nating ibenta ang kinabukasan natin at kinabukasan ng ating bansa.