Suspendido kahapon ang paglipad at paglapag ng eruplano sa paliparan ng Hamburg, Germany dahil bumarikada sa tarmac ang kotseng lulan ng isang ama na umano’y nang-hostage ng kanyang anak.
Labimpitong lalapag na eruplano sa airport nitong Sabado ang pinatuloy na lamang sa ibang paliparan habang nakikipagnegosasyon ang pulis sa lalaki sa loob ng kotse para mapakawalan ang hostage na 4 na taong gulang na babae.
Idineretso ng lalaki ang sasakyan sa paradahan ng mga eruplano Sabado ng gabi, Nagpaputok rin siya ng baril at naghagis ng dalawang Molotov cocktail sa labas ng kotse, ayon sa pulis.
Pinaniniwalaang nag-ugat ang pangho-hostage sa agawan ng tatay at nanay sa kanilang anak.
Ang asawa ng lalaki ang tumawag sa pulis upang humingi ng saklolo.
Sa ulat ng dyaryong Bild, ang lalaki o tatay ay 35 anyos at tubong Turkey. Idinikit niya ang sasakyan sa eruplano ng Turkish Airlines.
Bukod sa mga pulis, may mga sasakyang pang emergency ang nasa tarmac ng paliparan.
Inulat ng tagapagsalita ng pulis na si Sandra Levgrun na nakikipag-usap pa rin naman ang ama ng batang hostage sa loob ng sasakyan.