Ang pagtatanim sa Afghanistan ng poppy, ang pinagkukunan ng drogang opium, ay bumagsak ng 95 porsyento mula nang ipagbawal ito ng Taliban, ayon sa ulat na inilabas kahapon ng United Nations.
Mula nang makabalik sa kapangyarihan, naging pangako ng Taliban na tapusin ang produksyon ng opium sa bansa. Ipinagbawal nito ang pagtatanim ng poppy noong Abril 2022.
Sa ulat ng United Nations Office on Drugs and Crime, 10,800 ektarya na lamang ang taniman ng poppy sa bansa sa kasalukuyan, mula sa 233,000 ektarya sa pagtatapos ng 2022.
Ang produksyon naman ng opium mula sa poppy ay bumagsak at naging 330 tonelada ngayong 2023 mula sa 6,200 tonelada nitong 2022, ayon sa ulat ng UNODC.
Ang pag-ani naman ng heroin ay naging 24 hanggang 38 tonelada mula sa 350 hanggang 580 tonelada noong nakaraang taon.