Isang bangungot na ang mga dapat na alagad ng simbahan ay sangkot sa pang-aabuso ng libu-libong kabataan noon. Ngayon lamang lumilitaw ang mga sumbong ng napakaraming biktima ng mga tiwaling pari.
Ang masaklap pa nito ay wala sa mga nang-abusong pari ang napapanagot sa batas. Tinanggal lamang sila sa katungkulan at hindi inusig. Ang pinuno naman nila ay humingi ng patawad ngunit ito’y hindi sapat. Kaya naman wala pang nakukuhang katarungan ang mga biktima.
Nakakagimbal naman na may mas masahol pa sa mga manyakis na pari. Nailantad ito sa pagsiklab ng digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine noong nakaraan taon.
Nitong Sabado lamang, ipinahayag ng pamahalaang Ukraine ang pagsasampa nito ng kaso laban sa lider ng simbahang Orthodox ng Russia, si Patriarch Kirill o Vladimir Gundyaev. Nasa Russia si Gundyaev nang kasuhan siya ng Security Service of Ukraine ngunit tutugisin siya ng pamahalaang Kiev.
May ebidensya ang mga tagausig ng Ukraine laban kay Patriarch Kirill. Hayagan umano niyang sinuportahan ang pananakop ng Russia sa silangang Ukraine at ang madugong digmaang inilunsad ni Pangulong Vladimir Putin laban sa mga taga-Ukraine.
Sa ginawa niyang ito, sangkot siya sa panghihimasok sa teritoryo ng Ukraine, armadong agresyon, at pagpaplano at paghahanda ng agresyon sa Ukraine, ayon sa kaso labang sa kanya.
Gumawa ng krimen si Patriach Kirill laban sa Ukraine at kailangan siyang papanagutin.
Bukod kay Patriarch Kirill, ang mga pari ng simbahang Orthodox ng Ukraine ay sangkot rin sa parehong krimen dahil sa pakikikuntsaba sa Russia.
Tinatayang may 100,000 sundalong Ukrainian na ang namatay sa pakikipaglaban sa mga mananakop na Ruso mula Pebrero 2022. Bukod pa rito ang libu-libong sibilyan na nagbuwis rin ng buhay dahil sa mga atake ng puwersang Ruso sa mga siyudad sa Ukraine.
Patuloy na nagbubuwis ng maraming buhay ang Ukraine dahil sa digmaang kinunsinti ng simbahang Ruso sa pangunguna ni Patriach Kirill.
Habang dumadanak ang dugo sa Ukraine, nagmimisa sa Rusya si Patriarch Kirill para engganyuhin ang mga mamamayan na manampalataya. Kasabay nito ay ipanagdadasal niya ang kamatayan ng mga kalaban na Ukrainian. Maaring tama ito sa kanya kaya ginagawa niya. Ngunit may kabanalan ba ang hangaring mamatay ang mga mamamayan ng Ukraine.
Alam ng pamahalaang Ukraine na hindi at krimen ang kasalanan ng punong pari ng simbahan ng Rusya. Hindi man siya mananagot sa kanyang diyos, mananagot siya sa batas ng Ukraine balang araw.
Sa mga kabaro naman niyang tinutularan siya, darating rin ang katarungan sa kanila. Sa pagkakataong iyon, maliliwanagan na sila sa tunay na tungkulin ng alagad ng simbahan.