Inihayag ng Department of Foreign Affairs na papayagan na umanong makatawid sa Egypt mula sa Rafah Crossing ang nasa 134 na Pilipinong nasa Gaza.
Ayon kay DFA Undersecretary Eduardo de Vega, nakatawid na ang first batch ng 20 Pilipino nitong Linggo.
“Then afterwards it could be the next day or next two days, a batch of 23… so far only 43 now of the Filipinos have signified that they definitely want to leave Gaza,” sabi ni De Vega.
Ang mga Pinoy na tatawid sa border patungong Egypt ay dadalhin sa embahada ng Pilipinas sa Cairo pero kailangan din nilang makaalis sa loob ng 72 oras dahil transit visa lang ang ibinigay sa kanila.
Ayon sa opisyal, nakatanggap sila ng impormasyon mula sa kanilang counterpart sa Israeli na may pahintulot na para sa 136 Pinoy sa Gaza na tumawid sa Egypt.
May nauna nang dalawang Pilipino doktor na nakalabas sa border.
Una rito, sinabi ni De Vega na nasa 7,000 foreign nationals ang pinayagan na gamitin ang Rafah Crossing para makaalis ng Gaza, na sentro ngayon ng operasyong militar ng Israel para tugisin ang militanteng grupong Hamas.
Nasa 500 hanggang 600 na foreign nationals lang ang pinapayagan na makalabas ng border bawat araw para maging maayos ang proseso.
Hindi umano kasamang pinayagan na makalabas ng Gaza ang mga Palestinian national na kamag-anak o asawa ng mga Pilipino.