May mga bahagi ng pinalipad na rocket ng China ang babagsak sa baybayin ng hilagang Luzon at kailangang maging alisto ang mga naglalayag roon para sa kanilang kaligtasan.
Ito ang abiso na inilabas ng Cagayan Valley Disaster Risk Reduction and Management Council kahapon upang mabigyang babala ang publiko at munisipyo.
Nag-abiso na ang Beijing sa posibleng pagbagsak sa teritoryo ng Pilipinas ang ilang bahagi ng Long March 7a rocket na lumipad sa Wen Chang Spacecraft Launch Site sa Hainan upang maghatid ng mga taikonaut sa ginagawang space station ng China.
Maaaring lumagpak ang rocket debris sa tinukoy na drop zone ng Tsina na 75.63 kilometro mula sa dalampasigan ng Burgos, Ilocos Norte at 59.54 kilometro mula sa pampang ng Sta. Ana, Cagayan.
Sa mga barko at eruplanong magagawi sa may drop zone, may panganib na ito’y tamaan ng debris, ayon sa CVDRRMC.
Nag-abiso rin ito sa mga mangingisda na huwag kumuha ng anumang debris na makikita sa drop zone.
Wala namang inaasahang babagsak sa kalupaan o lugar na may naninirahan.
Inutusan ng CVDRRMC ang munisipyo na manmanan ang kanilang lugar at makipag-ugnayan sa Philippine Coast Guard, Philippine Navy at pulis.
Samantala, inabisuhan ang Civil Aviation Authority na magpatupad ng no fly zone sa lugar ng drop zone upang maiwasan ang sakuna.