Ibinahagi ng aktres, mananayaw, modelo at TV host na si Lovely Abella na nagkita sila ng yumaong si Joey Paras, co-host niya sa dating TV variety show na “Sunday PinaSaya” ng GMA 7, sa panaginip.
Sa kanyang Instagran post, sinabi ng Kapuso star na napanaginipan niya si Joey, na pumanaw noong Linggo sa edad na 45, nang matulog siya matapos tingnan ang litrato ng burol ng huli na kanyang kinunan sa kanyang phone at nai-post sa IG.
Sa litrato, napapaligiran ng maraming bulaklak ang kabaong ni Joey.
Sa panaginip ni Lovely, tinanong siya ni Joey kung totoong patay na siya.
“Hindi siya malungkot, ‘yung face niya maaliwalas, kung paano kami nagkikita sa [‘Sunday Pinasaya,’]” aniya, ayon sa ulat ng GMA News Online.
Sagot naman ni Lovely, “oo ma, pupuntahan natin ngayon kung saan ka nakaburol, sobrang ganda ma matutuwa ka kasi napapaligiran ka ng flowers.”
Nagpunta sila sa burol at sinabi ni Joey, “Oo nga Ga ang ganda.”
Sinabi rin ni Lovely na sa panaginip at hindi malungkot si Joey at tanggap niya ang kanyang pagkamatay.
Sinabi rin ng komedyante sa kanyang IG post na marami ang nagmamahal kay Joey, kabilang na siya.