Inaresto ng mga pulis ang manager at cashier ng isang KTV bar sa Angeles City, Pampanga dahil sa pag-aalok sa mga parokyano ng sex sa kanilang mga babae sa halagang P6,000 hanggang P8,000.
Nangyari ang pag-aresto noong Oktubre 27 nang magsagawa ng entrapment ang mga tauhan ng National Bureau of Investigation-Pampanga District Office sa KTV bar sa Fil-American Friendship Avenue, ayon sa NBI.
Pinuntirya ng NBI-PDO ang bar nang makita ang lantarang anunsiyo nito ng serbisyong sekswal mula sa mga babaeng customer care assistant ng KTV.
“Nagsisilbing prostitution den ang bar dahil nailalabas ang kanilang CCA ng mga customer para sa pagtatalik sa halagang P6,000 para sa Class B na CCA at P8,000 para sa Class A,” ayon sa NBI.
Ikanasa ang entrapment sa tulong ng City Social Welfare and Development Office at the City Prosecutor of Angeles City. Isang NBI agent na nagpanggap na customer ang inalok ng KTV manager na si Song Jin ng dalawang CCA na tig-P6,000. Nagbayad ang nagpanggap na customer at tinanggap ito ng cashier na si Lakshmi Nayyar.
Doon na inaresto ang dalawa.
Sila ay iniharap na sa Office of the City Prosecutor of Angeles City at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9208 o Anti-Trafficking in Persons Act of 2003, na inamyendahan ng RA 10364 o Expanded Trafficking in Persons Act of 2012.