Marami ang naging biktima ng teroristang Hamas kabilang na ang mga Pilipino. Walang awang pinatay ng mga teroristang Palestino ang 1,400 sibilyan sa Israel sa loob lamang ng ilang oras noong Oktubre 7.
Kasama sa mga pinatay nila ang caregiver na si Angelyn Aguirre.
Hindi sapat na kilalanin at hangaan si Aguirre sa kanyang kabayanihan nang hindi niya umano iniwan ang babaeng amo na kanyang inaalagaan sa bahay nito sa Kibbutz Kfar Azar. Kasama niya ang amo na nagbuwis ng buhay sa kamay ng mga demonyong Hamas na umatake sa Kfar Azar.
Kailangang mabigyan ng hustisya si Aguirre sa karumal-dumal na sinapit niya sa kamay ng mga teroristang Hamas. Kailangan ding mabigyan ng katarungan sina Grace Prodrigo Cabrera, Paul Vincent Castelvi at Loreta Alacre na pinatay rin ng mga Hamas.
Ano ang maitutulong ng gobyerno upang panagutin ang mga kumitil ng kanyang buhay?
Nagsampa na ng kaso sa International Criminal Court laban sa mga teroristang Hamas ang ilang pamilyang Israeli na nawalan din ng mga mahal sa buhay sa ginawang masaker ng Hamas. Hiniling ng siyam na pamilya sa ICC na nakabase sa sa The Hague, Netherlands na arestuhin ang lider ng Hamas upang siya’y usigin at papanagutin sa ginawa nilang “war crimes” at “genocide.”
Ayon sa abugado ng mga nag-asunto sa Hamas, malakas ang kanilang ebidensya laban sa mga terorista dahil ni-record mismo nila ang paglusob at pagpatay sa mga biktima at ipinalabas pa sa telebisyon at social media ang video.
Kaya hindi maikakaila ng Hamas ang ginawa nilang “war crimes” at “genocide.”
Siguro naman ay kaya ring gawin ng gobyerno ng Pilipinas ang dumulog sa ICC upang makamit ang hustisya hindi lang para kay Aguirre kundi para sa rin sa iba pang OFW na pinatay ng Hamas noong Oktubre 7.
Ang hindi pagsasampa ng kaso laban sa mga teroristang Hamas ay pagsasantabi sa sinapit nila Aguirre. Ito rin ay pagpapabaya sa kanilang tungkulin na ipagtanggol ang mga mamamayang Pilipino na nasa ibang bansa at pagkunsinti sa Hamas na pumatay pa para sa kabusugan ng kanilang ideyolohiya.
Kung matutulungan ng pamahalaan na mabigyan ng katarungan ang mga OFW na nabiktima ng Hamas, malaking tulong ito para sa mundo na maprotektahan sa mga terorista at karahasan ng mga grupong tulad ng Hamas.
Ito na ang pagkakataon na matapos na ang kasamaang hinahasik ng Hamas. Marapat lang na mausig at mapanagot sila sa kahayupang ginawa nila sa mga inosenteng sibilyan, pati na sa mga walang kalaban-labang sanggol, matanda at bata.
Bagaman maraming tulong pinansiyal ang ibinigay ng gobyerno sa mga pamilya ng mga biktima ng Hamas, hindi sapat ito kung walang katarungan.