Inaasahang makukuha ni June Mar Fajardo ngayong araw ang kanyang ika-pitong Most Valuable Player award.
Itatanghal ng Philippine Basketball Association ang napiling MVP kasabay ng pagbubukas ng Commissioner’s Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Ayon sa center ng San Miguel Beer, pasasalamatan niya ang mga duktor na tumulong magpagaling sa kanya sakaling manalo siya muli bilang MVP.
Inaalay rin niya ang award sa kanyang yumaong ina.
“Everything that I achieved and will achieve in the future are all for her,” pahayag ni Fajardo sa panayam kay Rey Joble ng The Daily Tribune. “I’m sure, she’s proud of me so I will continue doing all the good things to make her proud wherever she is now.”
Ang 6-10 Cebuano ang may pinakamataas na puntos, 42.2, sa MVP contest kaya napipintong mapunta sa kanya ang award. Sumunod sa kanya ang teammate na si CJ Perez na may 36.1 puntos.
Ikatlo naman si Scottie Thompson ng Barangay Ginebram 35.5 puntos, at ikaapat si Christian Standhardinger, 33.6 puntos.
Bentahe ni Fajardo ang pagkapanalo niya ng Best Player of the Conference sa Philippine Cup kung saan naging kampeon ang kanyang koponan.