Inaresto nitong Biyerne sa isang entrapment ang hinihinalang babaeng estapadora na umanoy lumikom ng P51 milyon sa kanyang mga biktima.
Inaresto ng mga alagad ng Quezon City Police District Criminal Investigation and Detection Unit si Glenda Alvera Navarro, 54 anyos, nakatira sa Naranghita Quirino 2-A, Project 2, Quezon City, nang tanggapin umano niya ang marked money mula sa isang undercover na pulis sa loob ng Mr. Kebab restaurant sa Kalayaan Avenue, Diliman, Quezon City.
Ayon kay P/Maj. Don Don Llapitan, hepe ng QCPD CIDU, modus ni Navarro na magpakilala bilang concert promoter ng mga K-pop artist. Niyayaya niya ang kanyang bibiktimahin na mag-invest sa konsiyerto ng mga K-pop artists na isinasagawa ng kanyang kumpanya, ang NEUWAVE Events and Production, Inc., kapalit ng malaking interes.
Ipinapangako umano ni Navarro sa mga investor na 50 porsiyento ang balik sa kanilang pinuhunan.
Pagkabigay sa kanya ng pera, nag-i-isyu si Navarro ng post-dated na tseke bilang garantiya niya sa investor na sila’y mababayaran.
Nakumbinse ni Navarro sina Matthew Fajardo, isang pulis, at si Bryan Chua, isang negosyante, na magbigay ng P51 milyong puhunan dahil naakit sila sa laki ng kikitain nila sa mga K-pop concert.
Subalit nang ipapalit na nila ang mga tseke, tumalbog ang mga ito dahil wala pondo ang bank account o di kaya’y sarado na.
Binawi nila Chua at Fajardo kay Navarro ang kanilang binigay na puhunan. Nang muling hingian ni Navarro ang dalawa ng P16 milyon upang makuha ang kanila return on investment, nagsumbong na sila sa pulis at ikinasa ang entrapment.
Kinasuhan na si Navarro ng estafa at pagnanakaw dahil sa paglabas sa Batas Pambansa 22 o Anti-Bouncing Check Law.