Aksidenteng nadulas si dating pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang kwarto sa bahay niya sa Davao City nitong Biyernes ngunit hindi siya nagtamo ng pinsala, ayon kay Senador Christopher “Bong” Go.
Sa kanyang Facebook post, ikinwento ni Go na sinamahan niya si Duterte sa Davao Doctors Hospital upang magpa-X-ray matapos ang aksidente.
Sinabi ng senador na nagpapasalamat siya sa Diyos dahil walang kumplikasyon na nakita sa 78-anyos na dating pangulo base sa resulta ng kanyang X-ray.
Masaya pang nakipag-selfie ang dalawa sa mga empleyado ng ospital habang hinihintay ang resulta ng X-ray.
Nai-post ni Go ang mga selfie shots nila sa kanyang social media. Makikita sila ni Duterte na kasama ang mga DDH staff sa may X-ray room ng ospital.
May litrato rin na naglalakad si Go at Duterte na hawak ang metal na tungkod bilang pang-alalay.
Sa post ng senador, nagpasalamat rin siya sa mga staff ng DDH sa kanilang serbisyo noong panahon ng pandemya.