Bagaman limang taon na ang lumipas nang maging Miss Universe si Catriona Gray, patuloy siyang iniidolo ng marami, kabilang na ang kapwa niya Miss Universe.
Patunay rito ang pag-amin ni Miss Universe 2022 R’Bonney Nola Gabriel ng Estados Unidos sa kanyang Instagram Post na ang Miss Universe 2018 ang kanyang naging inspirasyon upang manalo sa pinakamalaking patimpalak sa pagandahan at maging beauty queen ng mundo nitong nakaraang taon.
“When I was training for Miss Universe, @catriona_gray was inspiration for me and a great example of a talented, well rounded woman,” sabi ni Gabriel sa kanyang post kasama ang litrato ng dalawa na kuha ni Shaira Luna.
Kinunan sina Gray at Gabriel para sa cover ng Vogue Philippines magazine sa Maynila kamakailan.
Bukod sa pagiging inspirasyon niya si Catriona, humanga rin ang Amerikana sa pagiging propesyunal niya.
“It was incredible to work alongside her and such a great team,” pagpuri ng unang Filipina-American Miss Universe kay Gray.
Na-touch naman si Catriona sa puri ni Gabriel.
“Aw thanks Queen @rbonneynola !! So proud of your journey…just getting started! Can’t wait to see what you conquer next!!” pahayag ni Miss Universe 2018 sa kanyang IG post.
Magtatapos ang isang taong termino ni Gabriel bilang Miss Universe 2022 sa katapusan at isasalin niya ang kanyang korona sa itatanghal na bagong Miss Universe 2023.
Kalahok sa kompetisyon si Michelle Dee, ang anak ng dating beauty queen na si Melanie Marquez, bilang kinatawan ng Piliinas.