Nagsampa kahapon sa International Criminal Court ng kasong “war crimes” at “genocide” laban sa grupong Hamas ang siyam na pamilya ng mga Israeli na pinatay ng mga teroristang Palestino na sumalakay sa Israel noong Oktubre 7.
Hiniling rin ng mga pamilya sa ICC sa The Hague, Netherlands na maaresto ang mga lider ng Hamas, ayon sa abogado ng mga pamilya na si Francois Zimeray.
Mahigit 1,400 na Israeli, karamihan mga sibilyan, ang pinagpapatay ng mga teroristang Hamas sa Israel noong Oktubre 7. Dinukot rin nila ang mahigit 200 Israeli.
Ang masaker ang nag-udyok sa Israel na magpahayag ng digmaan laban sa Hamas sa kasunod na araw. Kasalukuyang tinutugis at binobomba ng mga tropang Israeli ang mga teroristang Hamas sa Gaza Strip na ikinasawi na ng may 9,000 sibilyan roon.
Kabilang sa mga pamilyang Israeli na nagsampa ng kaso laban sa Hamas ay kamag-anak ng mga biktimang dumalo sa isang music festival malapit sa Gaza.
Sinabi ni Zimeray na nakasaad sa demanda na hindi ikinaila ng Hamas ang kanilang ginawang pagpatay at ni-record at ipinalabas pa nila ito kaya hindi pagatatalunan ang reklamo.
Wala pang reaksyon ang ICC sa isinampang reklamo bagaman nasa tagausig ng korte kung ipaiimbestigahan niya ang paratang.
Dati nang ipinaimbestiga ng ICC ang paratang na war crimes laban sa Israel, Hamas at iba pang grupong Palestino na armado. Subalit hindi makapasok sa Gaza at Israel ang mga imbestigador upang makakalap ng ebidensya dahil hindi miyembro ng ICC ang dalawang estado.