Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Biyernes na ang business tycoon na si Francisco Tiu Laurel Jr. na ang uupo bilang bagong kalihim ng Department of Agriculture at tuluyan na niyang bibitawan ang ahensya.
Ayon kay Marcos, pinili niya si Laurel dahil naiintindihan umano nito ang mga problemang kinakaharap ng kagawaran at maging ng sector ng agrikultura sa bansa.
“It is time that we have found somebody who understands very well the problems that agriculture is facing,” sabi ni Marcos. “Secretary Kiko and I are confident that we have a fair understanding, a good understanding of what it is that needs to be done, what are the problems.”
Kung matatandaan, pinamunuan ni Marcos ang DA mula nang mahalal siya bilang pangulo noong nakaraang taon.
Noong nakaraang Hunyo, sinabi ng pangulo na hindi pa muna niya ipapaubaya sa iba ang pamamahala sa DA hanggat hindi pa siya nakatitiyak na maayos na ang lahat ng sistema sa kagawaran.
Ipinaliwanag rin ng Pangulo kung bakit niya hinawakan ang DA.
“I truly believe and I think I was proven right that there are many things that only a President could do and the problems were so important and were so deep that I felt that the authority… I suppose moral persuasion of a President was necessary for us to be able to figure out, and it really was, agriculture is a much much more complicated thing than most people understand,” sabi ng Pangulo.
Sa record ng Commission on Elections, isa si Laurel sa mga nag-ambag sa kampanya ni Marcos nang tumakbo itong pangulo sa 2022 elections at ayon sa Pangulo, matagal na niyang kakilala si Laurel.
“I’ve known him since we were boys. So, malakas ang loob ko na ma-i-appoint siya kasi kilala ko pagkatao niya. Alam kong napakasipag nito, unang-una. Pangalawa, nauunawaan niya nang mabuti ang sistema ng agrikultura dito sa Pilipinas,” paliwanag ni Marcos.
Isa umano sa nais niyang gawin ni Laurel ay pigilin ang pagtaas ng presyo ng mga produktong agrikultural.
“Well, the obvious one is trying to gain control of the prices of all the agricultural commodities that are going up at tinatamaan tayo ng ‘yun na nga, ‘yung napag-usapan ko, climate change, alam niyo na lahat ‘yung swine flu, alam niyo na lahat ‘yung avian flu na tumatama sa atin,” saad ni Marcos.
Dagdag niya, nais din niyang mapadami ang produksyon ng agrikultura.
Sinabi naman ni Laurel na ipagpapatuloy niya ang mga layunin at programa ni Marcos sa sektor ng agrikultura.
“Pangunahing adhikain ko ang pagtiyak na sagana ang ating ani at siguruhing ito ay makakarating sa hapag ng bawat Pilipino. Layunin ko na tiyakin na may sapat at masustansyang pagkain na mabibili ng ating mga kababayan sa tamang halaga,” sabi ni Laurel.
Inihayag din niya ang kahalagahan ng modernisasyon ng agrikultura para matulungan ang mga magsasaka at mangingisda.