Dalawang magkasunod na banggaan ang naitala sa North Luzon Expressway na kinasangkutan ng walong sasakyan Huwebes ng gabi.
Ayon sa ulat mula sa NLEX Command Center, unang nagkabanggaan ang tatlong AUV at isang SUV, sa southbound lane sa may Bocaue, Bulacan ng 10:30 kagabi.
Ayon sa isang pasahero ng isa sa mga nabanggang AUV, galing sila ng kanyang pamilya sa bakasyon sa Pangasinan at pauwi na sana sa Las Piñas at kasagsagan ng malakas na ulan sa NLEX nang mangyari ang aksidente.
“Huminto po ‘yung nasa harapan namin so huminto rin po kami pero hindi po kami mabilis. Dahan-dahan lang tapos pagkahinto ng asawa ko maya-maya kumalabog sa likod kaya alam na namin talaga na mayroon na nangyari,” sabi ng pasahero.
Sinabi naman ng isa sa mga driver ng sasakyang naaksidente, siyam sila sa sasakyan at galing din ng Pangasinan papunta ng Marikina para makipaglamay.
Walang nasugatan sa insidente.
Ilang minuto lang ang lumipas, nagkarambola rin ang apat na sasakyan sa bahagi ng Balagtas, Bulacan.
Nagkabanggaan ang isang pick up, dalawang kotse, at isang L300 van at bahagyang nagtamo ng minor injury sa bandang kilay ang isa sa mga sakay ng kotse.
Nabasag ang windshield ng L300 van na ikaapat sa mga naaksidenteng sasakyan. Galing sa Baliwag, Bulacan ang mga sakay nito at pauwi na sa Meycauayan.
Bago maghatinggabi kanina ay agad din naalis ang mga sasakyan sa gitna ng expressway, para hindi magdulot ng pagbigat ng daloy ng trapiko sa lugar.