Nasa Pilipinas na ngayon ang unang batch ng mga overseas Filipino workers na humiling ng repatriation sa pamahalaan na makaalis sa bansang Lebanon dahil sa patuloy na nangyayaring kaguluhan sa pagitan ng Israel at teroristang grupong Hamas.
Biyernes ng umaga nang lumapag sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 ang Flight EK336 na sinakyan ng anim na OFW na mga ito mula sa Dubai, United Arab Emirates.
Kung matatandaan, noong Oktubre 21 ay itinaas ng gobyerno ng Pilipinas sa alert level 3 ang Lebanon na nagpapatupad ng voluntary repatriation.
Samantala, pinag-aaralan ngayon ng Department of Foreign Affairs na itaas pa ang kasalukuyang alert level status ng ilang mga lugar sa Israel.
Ito ay sa gitna pa rin ng nagpapatuloy na labanan sa naturang bansa kung saan tuluy-tuloy din ang pagpapakawala ng mga rocket attacks, at iba pa.
Ayon kay DFA Undersecretary Eduardo De Vega, sa susunod na pakikipagpulong nila kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay kanilang bubuksan ang usaping ito.
Sa ngayon ay nananatiling nasa Alert Level 2 ng DFA ang Israel , habang may ilang kababayan na rin tayong umuwe na sa Pilipinas nang dahil pa rin sa naturang mga kaguluhan.