Kapansin-pansin ang sobrang daming motorsiklo sa mga daan, lalong-lalo na sa Metro Manila. Nandiyan na ang mga nagmo-motor papunta sa opisina o paaralan, ang mga nagde-deliver ng order sa online stores o restaurant at mga nagha-habal-habal.
Hindi maikakaila na motorsiklo ang pinakapopular na uri ng transportasyon ng mga mamamayan dahil sa mas mura ito kaysa sa kotse. Praktikal din ito dahil hindi naiipit sa trapiko ang mga gumagamit nito dahil sa mas madali itong mailusot sa makikipot na daan o dikit-dikit na mga sasakyan. Mas matipid rin ito sa konsumo ng gasolina at sa pagkukumpuni kumpara sa kotse.
Ayon sa Land Transportation Office, may 8.5 milyong motorsiklo sa buong bansa ang rehistrado. Karamihan dito ay ginagamit o tumatakbo sa Metro Manila.
Ang laki ng bilang ng rehistradong motorsiklo sa Pilipinas ay kamangha-mangha ngunit mas nakakabilib ang bilang ng hindi rehistradong motorsiklo.
Sa pagtataya ng LTO, 16 hanggang 17 milyong motorsiklo sa bansa ang hindi rehistrado. Ang mga ito ay ginagamit sa National Capital Region, Region 3 at Region 4, ayon sa hepe ng LTO, Assistant Secretary Vigor Mendoza.
Sinasalamin nito ang samu’t saring problema na may kaugnayan sa pag-aari ng motorsiklo. Isa na riyan ang sistema ng pagrehistro sa mga hinuhulugang motor. Ang mga bumili ng motorsiklo na babayaran ng hulugan ng mula tatlo hanggang limang taon ay walang tinatawag na certificate of registration dahil hindi pa nila pagmamay-ari ang hindi pa bayad na sasakyan.
Ayon kay Mendoza, dapat ay hinuhuli ng pulis ang mga ganitong rider. Kung bakit hindi hinuhuli ay isa na namang problema para sa kapulisan. Ibig sabihin ay hindi nila ginagampanan ang kanilang tungkulin o sadyang napakarami ng di-rehistradong motorsiklo para hulihin.
Wala ring insentibo ang mga pulis na manghuli ng nagmamaneho ng hindi rehistradong motorsiklo dahil hindi naman sa kanila mapupunta ang multa.
O di kaya naman ay magiging talamak ang hulihan ng ganitong klaseng sasakyan ngunit palulusutin na lamang nga humuling pulis kapalit ng pampadulas upang hindi na maperwisyo ang nahuli. Sa sobrang dami ng huhulihin ng pulis, malakilaki ang kikitain nila kung paulit-ulit lang nilang kokotongan ang mga nagmomotor ng walang CR.
Mayroon namang mga hindi nakakapagparehistro dahil siguro hindi na makapaghulog. Dito naman sumusulpot ang problema ng kawalan ng hanapbuhay kung kaya hindi makabayad sa biniling motor.
Naririyan rin ang mga hindi makapag-asikaso ng paglilipat ng pag-aari ng biniling motorsiklo na bayad na o tapos nang hulugan. Marahil ay katamaran na ang problema ng hindi makapagparehistro.
Anuman ang dahilan kung bakit may 16 o 17 milyong motorsiklong hindi rehistrado ang tumatakbo sa mga daan, isa ring malaking suliranin ito sa lipunan. Halimbawa na lamang ay kung madamay sa aksidente ang isang hindi rehistradong motorsiklo, sino ang hahabulin ng biktima ng sakuna? Wala, dahil walang nagmamay-ari ng motor.
Maaari ring ginagamit sa krimen ang mga hindi rehistradong motorsiklo. Kung gayon, sino naman ang hahabulin ng pulis sa motor na ginamit sa pagnanakaw?
Masasabing ang mga nagmomotor na hindi rehistrado o wala sa record ng LTO ay mga “ghost rider.” Paano kaya maaalis sa daan ang milyun-milyong multo?