Inihayag ng Department of Tourism nitong Biyernes na nakapagtala ito nang halos 140,000 na bilang ng mga turistang bumisita sa Boracay Islands nitong buwan ng Oktubre.
Ayon sa DoT, umabot sa 139,008 ang bilang ng mga bumisita sa world-class Boracay Islands sa Malay, Aklan at mas mataas umano ito ng 14,517 na katao kumpara sa naitalang bumisita noong buwan ng Setyembre kung saan umabot lamang noon sa 124,491 ang bumisita.
Mas mataas din ang naturang datos kumpara sa mga naitalang bilang ng turista noong Oktobre ng taong 2022 kung saan umabot lamang noon sa 135,232 katao.
Samantala, ang halos 140,000 na bumisita sa Boracay noong Oktubre ay binubuo ng 107,961 na mga turistang mula dito sa Pilipinas habang umaabot naman sa 29,817 ang bilang ng mga turistang nagmula sa ibang bansa.
Samantala, lumalabas din na maraming mga OFWs ang bumisita sa naturang isla noong nakalipas na buwan.
Batay pa rin sa datus, umabot sa 1,230 na OFW ang nagtungo rito na mas mataas kumpara sa 803 na bisitang OFW noong Setyembre.
Patuloy namang inaasahan ng kagawaran ang mas marami pang mga bisita sa naturang lugar sa huling dalawang buwan ng taon, lalo na sa kasagsagan ng Kapaskuhan.