Isang lalaki ang naaresto ng mga otoridad dahil suspek umano ito sa insidente ng basag-kotse na naitala sa isang sementeryo sa Taguig City ngayong Undas.
Nag-park ang biktima sa Dahlia Street sa Barangay Ususana nitong hapon ng Miyerkoles, Nobyembre 1 upang bisitahin ang puntod ng yumaong kaanak at iniwan nito ang laptop at backpack sa loob ng kaniyang silver na sedan.
Pero makalipas ang halos tatlong oras, nadiskubre niyang nawawala ang laptop at backpack at basag rin ang kaliwang side window ng kotse.
Sa tulong ng CCTV at backtracking ng Taguig Police Sub-Station 4, nahuli ang suspek sa kaniyang bahay sa Pateros kinagabihan rin nitong Miyerkoles.
Sinubukan pa umano ng suspek na magtago sa CR ng second floor ng bahay pero nahuli rin siya.
“Nabuksan naman din agad noong tropa natin ‘yung pinto, hindi naman by force, hindi naman naka-lock ‘yung pinto, parang wala lang kunwari. Hindi niya nakitang may pulis pala na kumatok sa bahay,” saad ni Captain Jefferson Sinfuego, station commander ng Taguig Sub-Station 4.
Ayon sa biktima, nakapagpalit ng passwords ang kaniyang asawa matapos ang pagnanakaw.
“Since worried talaga kami about that, noong hinatid po ako dito sa police station ako na po nakipagusap siya naman po umuwi sa bahay tapos in-access po niya ‘yung computer namin sa bahay. Pinalitan niya lahat ng password ng mga accounts niya para sigurado lang for security,” sabi ng biktima.
Naibalik rin sa biktima ang laptop at backpack mula sa suspek.