Wala si Sarah Lahbati sa katatapos lamang na Halloween paandar, ang Opulence Ball. Takang-taka at gustong mahibang ng mga daldakina at katkaterang totoo kasi ang pagtitipon dahil nga ang punong abala ay si Raymond Gutierrez, kakambal ng kanyang asawa, ang Iron Heart bida na si Richard Gutierrez. Dumating ang kanyang kabiyak na nag-iisa.
Buo rin ang suporta nina Ruffa Gutierrez, pati na rin ang matriarka at patriarko ng pamilya, sina Annabelle at Eddie para ipakita ang suporta sa baklang anak. Kasama pa nga ni Mond ang kanyang partner na si Robert William.
Kung It Takes Gutz To Be A Gutierrez family affair, hindi na ba miyembro ng pamilya si mademoiselle Lahbati?
Tungkol sa pagtitipon kung saan ang mga artistang dumalo ay nagpaka-diyos at diyosa at kung ano-anong mga katauhang nagpapakita ng kariwasaan at sumisimubulo dapat sa katotohanan, kabutihan at kagandahan, marami ang hindi maunawaan kung para saan ito lalo na nga’t marami sa mga dumalo ay talaga namang katawa-tawa ang mga hilatsa at itsura. Alam na alam mong binola at pinaglaruan sila ng mga baklang stylist at designer, huh!
Ang hindi pagdalo ni Sarah ay lalong nagpa-alingasaw at nagpa-igting sa sinasabing hiwalay na ang tinuturing na isa sa mga power couple sa Pinoy showbizlandia.
Sa X social media, ang haka-haka at ispekulasyon ng mga nagmamahal at sumusubaybay sa mag-asawa ay pangmalakasan. Iniisa-isa nila ang kanilang mga “ebidensya” tulad ng hindi na sumusubaybay o sumusunod si Lahbati sa post na andun ang asawa nito.
Pati na rin ang mga cryptic post nito, buo ang pananalig nila na patungkol kay Richard. At ang mas lalong nagpapa-kaba sa mga ChardSarah fandom, eh ang chikang diumano ay may third party at talagang hindi na kinaya ng nanay nina Zion at Kai ang pagiging monster mother in law ni Madama Annabelle.
Marami ang nagdarasal na sana hindi totoo ang paghihiwlay ng de kolor at puti nina Richard at Sarah. Na kung may tampuhan ang mga ito, o may pinagdadaanan talagang pagsubok ang kanilang relasyong mag-asawa, eh maplantsa ang mga gusot at lukot, mapag-usapan, puso sa puso at sa pribado ang mga agam-agam at problema. Lahat naman ng relasyon ay dumadaan sa pagsubok at walang hindi maayos kung talagang bukas pa ang pang-unawa at hindi pa tuyo ang damdamin ng mag-asawa para sa isa’t-isa.
Kung talagang pinal na nga ang hiwalayan, panahon ang makapagsasabi kung ano talaga ang dahilan at kung may mga sino pa bang kasali kaya ang dating masayang relasyon ay nawasak.
Sa inyong kutob at palagay my dear Chika-Diva mambabasa, hiwalay na nga ba talaga ang mag-asawang Richard Gutierrez o Sarah Lahbati at wala na nga ba silang pag-ibig para sa isa’t-isa? O hindi dapat palupig ang pag-asa at talagang ang tunay na pagmamahalan nila ang mag-vi-viktoria at ang kanilang pinagdaanan ay mas lalong magpapatibay sa kanilang relasyon at dahil dito, ang kanilang pagmamahalan ay talaga namang walang kapantay?
Bukas ang pitak ng Chika-Diva para sa opisyal na pahayag nina Richard Gutierrez at Sarah Lahbati-Gutierrez tungkol sa tunay na estado ng kanilang relasyon.