Inanunsyo ng Commission on Elections nitong Huwebes na sisikapin umano nito na maibigay na ang lahat ng honoraria ng mga gurong nagsilbi nitong nakaraang Barangay at Sangguniang Kabataan elections.
Sinabi ni Comelec spokesperson John Rex Laundiangco na bahagi ito ng paggalang at pasasalamat ng komisyon sa naging sakripisyo ng mga kaguruan sa nakalipas na lokal na halalan.
Dagdag pa niya, noong mismong araw ng halalan ay nasimulan na ang pagbibigay ng honoraria sa mga guro, lalo na sa mga gurong maagang nakapagsumite ng mga election returns at mga ballot boxes.
Ang ibang mga guro naman ay nagtungo na mismo sa tanggapan ng Comelec upang makuha ang kanilang honoraria.
Sa ilalim ng batas, binibigyan ng 15 days ang Comelec na maipamahagi ang honoraria ng mga guro na nagsisilbi sa mga halalan.
Pero sinabi ni Laudiangco na nais nilang maipamahagi ang kanilang honoraria ng mas maaga upang masigurong mapapakinabangan ito ng mga guro.