Inihayag ng Department of Foreign Affairs na nasa 150 pang mga Pilipino mula sa Israel ang inaasahang darating sa Pilipinas sa mga susunod na linggo upang makaiwas sa nangyayaring kaguluhan doon dulot nang pag-atake ng teroristang grupong Hamas.
Ayon kay Foreign Undersecretary Eduardo de Vega, nasa 143 overseas Filipino workers mula sa Israel ang papauwiin ngayong buwan, kung saan ang pinakamaagang batch ay inaasahang darating sa November 6, 2023.
Matatandaan na ang Qatar ay namagitan sa isang kasunduan sa pagitan ng Egypt, Israel at Hamas, sa pakikipag-ugnayan sa Washington, na magpapahintulot sa limitadong paglikas mula sa Gaza.
Ayon sa kasunduan, ito ay magpapahintulot sa mga dayuhang may hawak ng pasaporte at ilang mga kritikal na nasugatan na mga indibidwal na umalis sa pamamagitan ng Rafah border sa pagitan ng Egypt at Gaza.
Gayunpaman ang nasabing border ay walang timeline kung gaano ito katagal na mananatiling bukas para sa paglikas.
Dalawang Pilipinong doktor na kasapi sa medical aid group na Doctors Without Borders ay kabilang sa unang grupo ng mga dayuhan na napiling umalis sa Gaza at tumawid sa Egypt.
Ayon kay De Vega, ang mga pinapayagang tumawid ay magpapatuloy sa Egypt kung saan sila ay ipoproseso ng mga awtoridad para makapasok.
Idinagdag niya na ang Pilipinas ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa Israel upang unahin ang mga Pilipino sa mga nasyonalidad na unang papayagang makalabas.
Matatandaan na ang Alert Level 4 ay itinaas ng DFA sa Gaza noong Oktubre 15, ibig sabihin ay mandatory na ang pagpapauwi ng mga Pilipino.