Ipinagmamalaki ng Bureau of Jail Management and Penology na 26,268 sa 29,288 preso na rehistradong botante ang nakaboto sa katatapos lang na halalang pam-barangay at sangguniang kabataan.
Ang bilang ay 90 porsyento ng mga rehistradong botante na nakakulong sa iba-ibang kulungan ng BJMP sa buong bansa.
Nakaboto ang 24,000 sa mga botohan sa loob ng kulungan at 1,511 naman sa regular na botohan na may kasamang escort na pulis.
Ang pagboto ng mga preso ay patunay na itinataguyod ng BJMP ang karapatan ng mga preso na lumahok sa halalan pati na ang iba nilang karapatang-pantao.
Wala namang masama rito dahil nagpasya na ang Korte Suprema sa isyu nitong nakaraang taon. Ibinasura ng Korte Suprema ang isang petisyon na pumipigil sa pagpaparehistro at pagboto ng mga naka-detine at nililitis pa.
Bukod sa kanila, pinapayagan rin ng Commission on Elections na makaboto ang mga ikinulong ng hindi lalagpas ng isang taon o iyong mga nasintensyahan dahil sa rebelyon o sedisyon.
Mas nakakabilib sa pagboto ng mga nakakulong na hindi pa nasintensyahan ang pagtakbo rin nila bilang kapitan at kagawad ng barangay.
May lalaking presong taga-Dasmariñas City Jail, Tanay Municipal Jail at Cagayan de Oro City Jail ang nahalal na kagawad sa kani-kanilang barangay, ayon sa BJMP. Sila’y nakatabo dahil ninilitis pa ang kaso nilang pagtutulak ng ilegal na droga.
Pinag-uusapan pa ng Comelec, Department of Interior and Local Government at Department of Justice kung paano makapagsisilbing barangay kagawad ang mga nasabing preso. Ang mga preso ay nahalal na kagawad sa Barangay Datu Esmael sa Dasmariñas City, Cavite; Barangay Kay-Buto sa Tanay, Rizal; at Barangay Iponan sa Cagayan de Oro City, Misamis Oriental.
Unang pagkakataon na may presong kagawad at wala pang panuntunan kung paano sila manunungkulan, ayon sa Comelec.
Balakid sa kanilang panunungkulan ang kanilang pagkakakulong at ang pagbabawal sa mga preso na gumamit ng cellphone at iba pang devices sa loob ng kulungan.
Alinsunod sa batas, ang napawalang-salang preso ay makapagsisilbing kagawad. Ang masisintensyahan naman ay madidiskwalipika. Paano kung abutin ng maraming taon bago matapos litisin ang kanilang kaso?
Kung papayagan ng pamahalaan na sila’y manungkulan mula sa kulungan o sa mismong opisina ng barangay, mahirap ang pagbabantay sa kanila.
Ngunit ang mas matinding problema ay kung pinaglingkod sila at paglaon ay nasintensyahan din, ano ang epekto nito sa mga mamamayan.
Huwaran dapat ang mga serbisyo publiko. Kung mga kriminal ang mga public servant, mistulang tama sa paningin ng kabataan na manungkulan pa rin sila kahit may ginawang krimen. Gagayahin sila dahil pwede pa rin naman silang maging kapitan o kagawad ng barangay.
Marahil dapat tingnan muli ang karapatan ng mga nakakulong na tumakbo o manungkulan bilang kapitan o kagawad ng barangay o anumang mas mataas na puwestong pulitikal dahil maaari silang pamarisan ng mga taong may masamang balak o sadyang salot ng lipunan.