Nagsara ang daan-daang pabrika ng damit sa Bangladesh nang mag-engkwentro kahapon ang mga pulis at mga manggagawa nito na nagwewelga para mataasan ang kanilang sahod.
Ayon sa pulis, sinira ng mga welgista ang maraming dosenang pabrika sa Gazipur at labas ng Dhaka mula pa noong nakaraang linggo.
Dalawang tao rin ang namatay at dose-dosena ang nasaktan.
Hinarangan din ng mga nagwewelga ang daanan sa paligid ng kapital.
Nagpaputok ang mga pulis ng tear gas at sound grenade sa may 1,000 welgista.
Mahigit 250 pabrika ng damit ang nagsara. May 50 naman ang nasira at ginulo samantalang apat o lima ang sinilaban, pahayag ng hepe ng Gazipur pulis, Sarwar Alam.
Napilitan ang ibang pabrika na hindi magbukas upang hindi dumanas ng paninira.
May 3,500 pabrika ng damit sa Bangladesh na gumagawa ng 85 porsyento ng export ng bansa na nagkakahalaga ng $55 bilyon kada taon. Ang mga 4-milyong manggagawa dito ang gumagawa ng mga damit para sa Adidas, Gap, H&M at Levi Strauss.
Ang mga manggagawa, na karamihan ay babae, ay sumasahod lamang ng 8,300 taka o $75 kada buwan.
Nag-alok ang Bangladesh Garment Manufacturers and Exporters Association, na kumakatawan sa mga may-ari ng pabrika, ng 25 porsyentong umento sa sahod. Ngunit maliit ito sa hinihinging
23,000 taka ($209) kada buwan na sahod.