Iniulat ng Philippine Coast Guard na isang cargo vessel na nakadaong sa Castilla Anchorage Area sa Barangay Poblacion, bayan ng Castilla sa Sorsogon ang nasunog Huwebes ng umaga.
Ayon sa PCG, ligtas naman ang nasa walong tripulante ng cargo vessel MV Ken at nasa maayos ang kondisyon matapos umanong masunog ang barko dakong alas-11 ng umaga.
Batay sa pahayag ng mga tripulante, nagsimula ang sunog sa mess hall ng barko at inaantabayanan na rin ng PCG Headquarters ang pinakahuling impormasyon sa firefighting operations ng Philippine Navy, PCG, at Bureau of Fire Protection.
Kasama sa rumesponde para apulahin ang sunog ang Federico Martin na isa sa sasakyan pandagat ng Navy katuwang ang mga tripulante ng MV Ken at MV Anabelle.
Samantala, nasagip ng mga tauhan ng PCG ang isang lalaking tumalon sa isang bangka sa bahagi ng karagatan San Miguel Island sa Monreal, Masbate.
Batay sa inisyal na ulat na inilabas ng PCG, natukoy ang naturang lalaki na isang residente ng Masbate City.
Patungo ito sa Pioduran Port sa Albay nang bigla itong tumalon sa bangka nang dahil sa umano’y dinadala nitong problema sa pamilya.
Agad na nakipag-ugnayan ang PCG sa Philippine National Police at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office para maglunsad ng joint search and rescue operations para sa naturang lalaki na kasalukuyan nang nasa mabuting kalagayan sa ngayon.
Sa ibang balita, nagsimula nang tumaas ang bilang ng mga pasahero sa mga pangunahing pantalan sa buong bansa ngayon tapos na ang paggunita ng Undas at ang Barangay at Sangguniang Kabataan elections.
Tinatayang nasa 26,720 ang bilang ng mga mananakay sa mga pier at nasa 14,746 ang outbound passengers at nasa 11,974 naman ang inbound passengers.
Kaugnay nito, nagtalaga ang PCG ng 3,056 na tauhan sa 15 distrito.