Isang 27-anyos na motorcycle rider ang nasawi matapos umanong mabangga ng isang SUV ang kanyang motorsiklo sa Dagupan City, Pangasinan province.
Ayon sa mga nakasaksi, matapos umanong mabangga ng SUV ang motor ay bumaba ang driver nito at tiningnan ang damage ng kanyang sasakyan bago tumakas.
Kinilala ang biktima na si Elmer Carino, residente ng Barangay Buenlag sa Mangaldan, Pangasinan.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, galing sa trabaho at pauwi na ang biktima sakay ng motorsiklo nang mabangga ito ng SUV at takbuhan sa Perez Boulevard sa bahagi ng Dagupan City.
Ayon sa isang saksi na kaanak ng biktima, sandali lang bumaba ng SUV ang driver para tingnan ang tama ng kaniyang sasakyan at saka humarurot palayo at iniwan ang biktima.
Mayroon na umanong hawak na CCTV footage ang mga otoridad at patuloy ang isinasagawa nilang imbestigasyon.
“Kung sino ang nagmamay-ari ng sasakyan, another investigation. Kung siya ba ang nagda-drive doon, under investigation pa,” ayon kay Police Lieutenant Colonel Brendon Palisoc, hepe ng Dagupan City Police Station.
Sa Santa Barbara, Pangasinan naman, nasawi ang ginang na si Myra Calaunan nang bumangga ng kotse ang sinasakyan nilang garong sa national highway.
Sugatan ang kaniyang mister at anak na pitong taong gulang.
Ayon sa pulisya, nag-overtake ang kotse sa sinusundang truck at saktong dumating ang garong na sakay ang mga biktima.
Sinampahan na ng kaukulang kaso ang driver na wala pang pahayag.