Idinaan na lamang sa bunutan kung sino ang magiging barangay chairman sa Barangay Buadi Amunta sa bayan ng Taraka sa Lanao del Sur matapos nilang makakuha ng parehong bilang ng boto.
Nagtabla sa 59-all ang mga kandidatong sina Yasmalyn Macabando at Casanoding Comadug at siniguro ng kapwa kandidato at ng police special electoral board na malinis at maayos ang draw lots na isinigawa sa municipal gym dakong alas-10 ng umaga.
Bago sila nagpalabunutan, ipinaliwanag ng Commission on Elections ang proseso para hindi magkakagulo at walang magduda sa resulta.
Matatandaang nagkagirian ang magkabilang panig dahil sa pagtaboy umano ng mga botante ng isang panig mula sa polling center ng Malungun Elementary School noong Lunes.
Ayon kay election officer Abdulhakim Talib, ang pagpapalabunutan para mapili ang nanalo sa nagtablang kandidato ay sang-ayon sa isang Comelec resolution.
“’Pag draw lots, kung sino yong mananalo favored by luck, yon ang i-proclaim natin kasi sa buong municipality ito lang ang hindi na-proclaim,” sabi ni Talib.
Nanalo ang incumbent barangay chairman na si Macabando sa draw lots. Nagsigawan sa tuwa ang kaniyang mga tagasuporta habang natanggap naman ito ng anak ni Comadug na bumunot ng papel sa draw lots
“Okay naman po, ganyan naman po ang buhay, may nanalo, may natatalo. Ang importante dumaan kami sa tamang proseso, satisfied naman ako sa desisyon ng Comelec,” sabi niya.