Isang matandang lalaki na hinihinalang namaril ng doktor at pasyente sa isang ospital sa Toda, Japan ang nagbarikada sa isang post office at nang-hostage ng dalawa hanggang sampung tao roon kahapon, ayon sa ulat ng Agence France-Presse.
Pinaliligiran ng mga pulis ang post office sa Chuo 5-chome, Warabi City at kinakausap pa sa telepono ang nang-hostage na nakitaang may baril pasado alas 2 ng hapon ng Martes.
Pinalikas rin ang may 300 naninirahan sa paligid ng gusali para sa kanilang kaligtasan dahil may dala umanong kerosene ang nang-hostage.
Sa ulat ng NTV, dalawang babae na may edad mula 20 hanggang 30 ang nasa post office. Sa ulat naman ng Yomiuri Daily, 10 tao ang nasa loob ng gusali.
Samantala, hindi naman napuruhan ang dalawang nabaril sa ospital sa Toda ayon sa ulat ng NHK.